Tuesday, March 29, 2011

Ang talambuhay Joden S. de Jesus" ang binatang tinatamad mag type habang nagawa ng post sa blog"

Ako noong Sanggol pa ako

Sa Brgy. San Mateo. San Pablo City. Ipinanganak si Joden Soria de Jesus isang batang may mga tagong abilidad na nahihiyang ipamalas. Ang aking mga magulang ay sina Maximino de Jesus Jr. at ang aking ina na si Efen de Jesus. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil biniyayaan ako ng mga mabubuting magulang na laging nasa aking likod sumusuporta sa akin. Ako ay mga kapatid ngunit ako lang ang natatanging lalake sa limang mag kakapatid at ako pa ang bunso. Kaya naman alagang alaga ako ng ina ko nung ako ay bata pa at isa rin ako sa mag dadala ng apilyido namin na de Jesus. Kaya naman pinag bubutihan ko ang ang aking pag-aaral para ako ay may maipagmalaki sa aking mga kamag-anak. At para maging masaya an gaking mga magulang at para hindi rin sila mag sisi na ako ay kanilang anak, bagkus magiging “proud” pa sila sa akin dahil anak nila ako at tama ang paraan ng kanilang pagpapalaki sa akin

Ako with Honors






Event din sa School
. Ako  ay nag elementarya sa San Mateo Elem. School. Doon ko na kilala ang mga bagong kaibigan na naging mga kasama sa mga tawanan at kalokohan. Dito ko rin nakilala si Darryl kaklase ko mula unang baitang nung elementarya hanggang nangaun 4th yr high school. Mabutit hindi ako nag sawa sa kanyang pag mumukha dahil sa haba haba ng panahon na kami ay mag kakasama ay malakas parin ang ang pag kakaibigan tanda ko rin nung elementarya nakakita ako ng paroparo na ubod ng laki akin itong hinabol at dahil sa aking kakulitan na umpog ako sa puno, umiyak ako dahil na dapa pa ako. Gustuhin ko man ilahada lahat ng mga pangyayari noon, nalimutan ko na ang ilan dahil din siguro na umpog ako sa puno.






Event sa School nung elementary
Nag sekondarya ako sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School. Dito kaklase ko parin si Darryl. Ako ay napabilang sa section 1-A pangalwa sa pinakamataas na antas sa school sa 1st yr. Dito ko rin naranasan sumali sa mga paligsahan kasama ang mga kaklase ang ilan sa mga paligsahan kami ay nanalo at minsan talo dahil rin sa kulang rin kami sa praktis at lagi kaming tumatakas sa praktis. Nung 2nd yr naman may ilan rin mga paligsahan na amin din sinalihan pinalad kaming manalo sa ilan. Nung 3rd yr doon ko nakilala si Steven isang bagong kaibigan isa siyang mabuti na kaibigan naging kasama sa mga katatawanan, katangahan at kalokohan. 










Ang GRUP 2 BOIZ..
Dito ko rin  naranasan ang sumali sa Js prom dito ikaw dapat ay maisayaw na babae na iyong napupusuan o kaya’y iyong nais isayaw sa gabing iyon. Ako naman ay may naisayaw kahit papaano hahahaha…. Ngunit alam ko malapit na matapos ang aking pag-aaral sa sekondarya at kilangan ng mag handa para sa kolehiyo. Ako ay nalulungkot dahil nga mag hihiwalay na kami. Dito rin nabuo ang grupong GRUP 2 BOIZ at ang mga miyembro ay sina Steven, Darryl, Cierte, Banayo at ako. Hindi ko aakalain na magiging malapit kami sa isat isa dahil may kanya kanya kaming mga “style” at hilig ngunit indi nag tagal na sanay na kami sa isa’t-isa. Ako ang pinaka maangas sa grupo. Si Steven ang pinaka mabait at pinaka matinong lalaki pagdating sa mga babae dahil alam namin na mabuti ang kanyang hangarin sa mga babae lalo na dun sa babaeng mahal niya. Si Cierte ang itinagurian Chick boi ng Grupo magaling kasi siya sa mga babae at hindi siya ang lumalapit kundi ang babae ang kusang lumalapit sa kanya. Si Darryl isa rin mabuting kaibigan isa sa pinaka magulong kausap sa grupo at isa rin sa mga magugulatin. Si Banayo o kaya’y “paeng” ang tawag namin dahil maliit siya at isa rin sa pinaka tahimik sa grupo mahina sa babae tulad ni Darryl parehas torpe pero alam namin na mahal nila ang babaeng yoon dahil iisa lang ang kanilang babaeng minamahal pero kahit ganun indi parin na sisira ang aming pagkakaibigan dahil ito’y masayadong mababaw at hindi dapat pinag aawayan dahil marami pa namang babae sa paligid.



4th yr Sci-Camp
Sa tuwing lumilipas ang mga araw lalo kong hinahanaphanap ang mga pagkakataon na kami ay masasaya. At dumating rin ang hling ko dahil ngayon 4th yr na kami lalong nadagdagan ang aming mga katangahan kagaya nung Sci Camp. Tanda ko pa noon nung kami ay matutulog na pinabukas namin kay Darryl ang ilaw ngunit hindi ito umilaw at ito’y napundi sabi namin”hahahaha anla… yari ka pinundi mo ang ilaw..”lahat kami ay nakaturo sa ilaw at si Darryl ay napatingin na akala mo’y may multo sa likod niya ng kami ay mag sigawan tumalon si Darryl sa higaan dahil sa sobrang takot. At kami tawa ng tawa dahil dito napikon pa nga si Darryl sa amin dahil pinagtawanan namin siya. Sabi ni Darryl “akala niyo’y nakakatawa puwes hindi baka kayo’y aking mapagsasapok. Kaya tumigil na kami pero sa pinakalooblooban namin kami’y tawa ng tawa. 



4th yr Field Trip
Dumtaing din ang field trip na naging masaya rin dito nakasama ko si Steven at si Cierte. Dito din nakasama ni steven ang pinaka mamahal niyang babae na si junnielyod kaya naman lalong naging masaya siya at ganun din si Cierte dahil kasama rin niya ang babaeng mahal niya. Ako naman ayos lang naging masaya rin kahit walang babaeng nandyan para pasayahin ako dahil alam ko darating yan at ako’y hindi nag mamadali. Dumating rin ang field demo at naging masaya rin kahit hindi kami pinalad na manalo dahil kulang kami sa “cooperation” at dating gawi tumatakas kami sa praktis ng sayaw. Dumating ulit ang Js prom pero ngaun last na ito at hindi na mauulit. Kaya naman isinayaw ko na lahat ng aking gustong isiyaw at ngaung Js na ito naisayaw rin ni Steven si junnielyod at parehas panilang first dance ang isa’t-isa. Pero hindi maiiwasan ang mag ka problema, kaya naman sa tuwing may mga kaibigan kami na nahihirapan sa kanilang mga problema kami ay tumutulong para naman sila ay matulungan at para hindi na rin mahirapan. Ngaun na natatapos ang aming mga panahon sa 4th yr at kailngan na namin mag lakabay papuntang kolehiyo nais ko sanang maramdaman ang mga panahon na ako’y masasaya kasama ang aking mga kaibigan sa huling pagkakataon.

Sunday, February 20, 2011

Talambuhay ni Steven Jasper M. Dizon: "Ang lalaking Naka Sumbrerong Pula Habang Gumagawa ng Blog"

Ang cute ko pala noon haha....
Ako po si Steven Jasper M. Dizon, for short, “Teban”, at “Steve”. Ipinanganak ako noong ika-15 ng Agosto taong 1994. Ang aking mga magulang ay nagngangalang Valerie at Silvestre Dizon. Sa unang tingin niyo sa akin ay marahil na maisip niyo na suplado ako pero sa totoo ay pala kaibigan ako. Ako ang panganay sa tatlong magkakapatid. Ang pumapangalawa sa akin ay nagngangalang Patricia Anne M. Dizon at ang bunso kong kapatid ay si Isabella Anne M. Dizon. Nakatira kami sa isang munting tahanan sa Medex Subd. Brgy. San Francisco, Calihan, San Pablo City.
Tanda ko pa nung ako ay bata pa at hindi pa pumapasok sa paaralan, malimit  kong pinababasa sa aking ina ang libro tungkol sa mga unang hayop na naglalakad sa ating mundo nung ang mga tao ay wala pa. Paulit-ulit kong pinababasa ito hangga’t hindi pa ako nag sasawa.
Ako sa isang park sa Manila.
Naalala ko ang mga panahon noong ako ay bata pa. Tanda ko pa na ako ay tinuruan gumamit ng biskileta. Ibang klaseng pagtuturo ang ipinakita sa akin ako ay tinutulak nang walang training wheels. Kaya naman lagi akong may sugat sa tuhod, pero pursigido akong matuto. Tanda ko rin na  hindi ako pinapayagan manuod ng mga pelikulang Tagalog ng aking lola at lolo. Hindi ko mawari ang dahilan kung bakit ginagawa nila ang ganoong bagay sa akin. Tinanong ko sila kung bakit? At ang tugon nila ay “tutoy, nais ko lamang na ikaw ay lumaking matalino at mahusay sa pagsasalita ng ingles”. Mas gusto pa nilang makita ako na nanunuod ng “power ranger” kaysa sa mga Tagalog na palabas.   
Naaalala ko pa ang mga araw noong buhay pa ang aking lolo. Nang ako’y naisilang sa mundong ito laking tuwa ng mga magulang ko lalo na ang aking lolo na talagang tuwang-tuwa sa akin dahil isa ako sa mag dadala ng apilyido. Tanda ko pa noon na lagi akong hinihiram ng aking lolo upang ako ay turuan ng mga bagay-bagay na maaaring maging malaking tulong sa aking pag-aaral at paglaki. Isa na rito ay ang mga tula na pinasasaulo sa akin nang paulit-ulit, pero limot ko na dahil matagal-tagal na ring hindi ko ito binibigkas. Tanda ko rin ang mga pagkakataong ako ay pinababasa ng mga “BroadSheets”. Ito ay mga dyaryong ubod ng laki. Malimit ingles ang mga nakapaloob dito. Kaya naman na sanay na rin ako sa wikang ingles. Hindi nag tagal lumisan na aking pinakamamahal na lolo, pilit kong pinigilan ang aking mga luhang umaawas sa aking mga mata. Ninais ko ngang tumalon sa hukay dahil sa mahal na mahal ko ang lolo ko. Pero sabi nga nila, “Life must Go on” na akin namang sinunod.
Pumasok ako sa Canossa bilang isang kinder at prep. Tanda ko sumasali ako sa mga iba’t-ibang aktibidades kagaya ng mga labanan sa tula at pag kanta. Sa awa ng Diyos nagwagi ako sa labanan ng mga tula, ang aking tinula ay “Bell Rings” di ko inakalang mananalo ako dahil sa alam kong mahina ang loob ko. At alam ko na ang pinakatatakutan ng tao ay ang magsalita sa harapan ng maraming tao lalo na’t kung mahalaga ang iyong sasabihin.

 Kinuhanan ko ito para malaman kung pumapayat na ako.
Tumuntong ako ng elementarya sa San Pablo Central School. Tanda ko rin noong ako ay nasa ika-1 baitang, ako’y napalo ng aking maestra sa kamay dahil napagkamalan akong nag hagis ng hotdog. Nung ako ay nasa ika-4 na baitang nakilala ako dahil sa galing ko sa science. Doon din ko nakilala ang isa sa mga pinakamalapit kong kaibigan si Bravo at si Reymart. At nung ako’y nasa ika-5 baitang naging kaklase ko si VJ isang talentadong estudyante. At nung nasa ika-6 na baitang dun ko lang nalaman na lilisanin ko na ang elementarya at magsisimulang maglakbay patungong sekondarya.
Ako, si Joden at si Darryl mga kaibigan ko.
Nag sekondarya ako sa Academia de San Ignacio de Loyola isang private school, hindi rin naman ako nag tagal sa paaralang iyon dahil sa sobrang taas ng tuition. Mahirap pati pakisamahan ang mga estudyante na nag-aaral doon dahil halos lahat sila ay mayayaman o kaya’y may kaya sa buhay. Lumipat ako sa LC doon ako nag 2nd yr ngunit hindi rin ako nagtagal dahil din sa mataas ang tuition at hindi kaya tugunan ng aking mga magulang ang pag-papaaral sa akin. Lumipat ako sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School. Dito ko naranasan kung anu ang ibig sabihin “High School Life”. Dapat pala dito nalang ako pumasok para naranasan ko ito nang mas maaga. Dito ko rin nakilala ang babaeng mag papatibok sa aking puso na minsan na rin nabato, siya rin ang nagbabalik ng aking sigla sa tuwing ako’y na lulumbay, isang tingin palang sa mukha niyang nakangiti “okay na ako”. Di ko inakalang iibig ako. Sa kanya ko lamang nalaman na bawat tao ay may puwang sa mundo. At dahil sa kanya pilit kong binabago ang aking sarili, ako’y nag papapayat para ako’y kanyang tanggapin.. Ang nais ko lamang ay ang kanyang kaligayahan. Mabuti ang aking hangarin para sa kanya. Siya din ang nagbigay sa akin ng inspirasyon. Ang dalagang aking binabanggit ay si Junnielyod Agozar. Dito ko rin nakilala ang mga bago kong mga kaibigan sina, Joden, Darryl, Cierte at Banayo, may tawag kami sa aming grupo “Group 2 BoyZ” haha… sila rin ang mga nakasama ko sa mga kalokohan, katangahan,  katatawanan at kung ano-anu pa. Tanda ko rin yung video na aming ginawa ang “oloy boys” na purong kalokohan ang laman, ilan lamang ito sa mga patunay na matibay ang aming pagsasamahan at dito rin masusukat ang aming pagkakaibigan.  Talaga namang naging masaya ako nang ako ay lumipat sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School. Tanda ko rin na ako ay minsan na rin naging tulay upang ang dalawang tao ay magkita sa dulo ng tulay. Pero hindi maiiwasan na ikaw ay makakaharap ng mga pagsubok.
Ang gwapo ko.
Ngayong 4th yr na ako. Ako ay nalulungkot  dahil tila matatapos na ang aking paglalakbay sa buhay sekondarya at aking nakikita na dumadaloy sa aking harapan ang mga alaala, masaya man o malungkot, ang lahat ng ito ay aking babaunin sa pag tungtong ko sa bagong yugto ng aking buhay. Kung maaari lamang patigilin ang oras ay nais kong lasapin pang muli ang mga pangyayari na naging dahilan upang ako ay mahubog bilang isang mabuting tao.







             

Ang talambuhay ni Junnnielyod F. Agozar


Ako si Junnielyod Fernandez Agozar, isang masayahing bata. Labing-anim na taong gulang. Ipinanganak noong Agosto 24, 1994 sa ospital ng San Pablo. Anak nina Rosalie Agozar at Anselmo Agozar, bunso sa tatlong magkakapatid at kaisa-isang babae. Ang aking dalawa pang kapatid ay si Jojo at Joseph Agozar. Nang ipinanganak ako ng aking ina ay malusog at mataba na ako kaya mga tito't tita ay lagi akong hinihiram.

Noong kami'y mga bata pang magkakapatid ay nakatira sa San Joaquin na kung tawagin ay "silangan", naglalaro sa harap ng bahay. Ang trabaho ng aking tatay noon ay magsasaka at si inay ay katulong ni tatay. Mayroon kaming isang kalabaw na katulong ni tatay araw-araw. At nang magtatlong taon ay may di inaasahang pangyayari. Isang araw nagpaalam si tatay kay inay upang pumunta sa kanyang mga kaibigan, binabantayan na ni inay si tatay sa labas ng bahay. Alas syete na ng gabi nang may narinig si inay ng putok ng baril, hindi niya alam na si tatay pala iyon, nakikipag-inuman ito, nakikipagkulitan,pero napagtripan siya, bumunot ang kaibigan nya ng baril at siya ang tinamaan. Ang masakit dito, ang nakabaril sa kanya ay kapatid ng hipag niya. Napakalungkot ng gabing iyon. Kwento sa akin dalawang araw bago mangyari iyon, ay palagi daw tinitingnan ni tatay ang aming mga litrato, marahil iyon siguro ang hudyat na huling araw na niya yon. Maagang nabalo ang aking ina, sa edad na 34, pero hindi kami sumuko,lumipat kami sa bahay ng aming lolo't lola. Masaya kami doon dahil kasama ko ang iba pa naming pinsan.
Graduation ko noong kinder.

Nang pumasok ako ng kinder, nagaroon ako ng parangal tulad ng best in Filipino, doon nagsimula ang pagsisikap kong makapagtapos. At nang nagpitong taong gulang na ako, ipinaghanda nila ako, tulad ng paborito kong pagkain ang spaghetti at iba pa. Iyon ding araw na iyon ay intrams ng aming eskwelahan, may palaro ang muse at eskort ng bawat seksyon, unahan dito na makapagtaas ng kanya kanyang flag, ako'y naiyak dahil hindi ko naitaas ang amin. At nang naggraduate na ng kinder ay may presentation ng sayaw at isa ako sa napiling sasayaw dito. Sinayaw namin ang Pearly Shell, dito nagsimula kung bakit nagustuhan ko ang pagsasayaw kahit di gaanong malambot ang aking katawan.
Noong nasa ikalawang baitang naman ako, nakagawian na naming magpipinsan ang magbakasyon sa aming tita, dalawa lang kamaing nakapunta noon. Kinagabihan, matutulog na kami, bigla namang sumakit ang aking ngipin, para lamang mawala ang sakit, pinainom ako ng 'dolfenal' pero nagkaroon ito ng epekto sa akin, biglang nangati ang buo kong katawan, hindi malaman ang gagawin, pinainom na ako ng tubig na may asukal pero wala pa rin. Dinala na ako sa ospital, pagkarating naman doon ay hindi na ako nakausap dahil nawalan na ako ng malay. Hindi ko na namalayan na nasa kwarto na pala ako. Siguro ay wala na ko sa mundong ito kung hindi agad naagapan.
Noong nasa ikaanim na baitang na ako, palagi akong nagbibinalot sa tanghali para lamang makapaglaro.nilalaro namin noon ang bantay base, patintero, chinese garter
Graduation ko noong Elem.

at iba pa. Napakasaya talaga na palagi kaming naglalaro sa tanghali. Marami namang pagbabago ang nangyari sa akin tulad ng pagkakaroon ng monthly period na nuo'y iniyakan ko pa, isa yon sa mga di ko makakalimutan. Hindi rin maiwasan nuon ang magkaroon ng manliligaw, pero wala pa sa isip ko ang ganung bagay, dahil nga bata pa ako.
Pagkagraduate ko ng ikaanim na baitang ay doon na nagsimulang mapahiwalay ako sa aking pamilya dahil nga sa hirap ng buhay ay sa aking ninong at ninang na ako nakatira, at sila rin ang nagpapaaral sa akin ngayon.At sila ang dahilan kung bakit ko nakita ang paborito kong mang-aawit na si Sarah Geronimo.
Pagtungtong ko ng hayskul ay pinalad akong makasama sa mataas na seksyon A sa paaralan ng Col.Lauro Mem. National High School. Medyo bago sa akin ngayon dahil panibagong pakikitungo sa ibang tao ang aking mararanasan, maiiba na rin ang magiging kaibigan ko. At hindi ako nahirapang gawin yon dahil tinulungan
Ako at si Ninang

din nila ako. At dahil don nakuha akong sekretarya ng aming seksyon, at masaya ako dahil may tiwala sila sa akin. Nagkaroon ako ng mga mababait na kaibigan tulad nina Krislyn, Zsarene, Jelaisa at Christine. Sila ang mga kasama ko araw-araw, masarap kasama. At kahit ang mga iba ko pang kaklase ay naging ka-close ko na rin. At sa paglaban namin ng Ibong Adarna ay nagtulong-tulong kami upang magawa naming ng maayos ang play na iyon. At sa pagdating ng araw nang laban namin ay hindi kami nabigo, nagbunga ang aming paghihirap at pagsisikap. Nasungkit namin ang unang pwesto. At kahit sa nutrijingle ay hindi kami nabigo. Dinanas ko din na sa pag-uwi ko sa hapon, wala pa akong kasabay, nasakyan ko noon ay Tanauan dapat ay Calauan, kaya bumaba ako sa may sambat at sumakay uli ng panibago. At isa pa, sumakay ako ng wawa, dapat wawa/tikew, hanggang wawa lang iyon kaya bumaba ako sa Magdalena, at nilakdad ko na lamang hanggang makarating ako sa amin. Nakakahiya man pero hindi ko na inisip yon.
At ng nasa ikalawang antas na ako, nagkaroon ako ng panibagong mga kaklase, iyon ay sina Mharen, Razel, Loiue, Daisy, Wilyn at marami pa. Lumaban din kami ng Florante at Laura at Nutrijingle, natalo namin ang science noon kaya masaya kami. At dito rin ako nagkaroon ng manliligaw na akin pang kaklase.
Nang dumating naman na nasa ikatlong antas, dito nagsimulang magmature ang aking pag-iisip. Mga bagay na kailangang pag-isipang mabuti, wag padalos-dalos sa mga desisyon. At dito ko naranasan ang unang pagdalo sa Junior Senior Prominade, kaya di ko naiwasang maging excited. Nagkaroon din ako ng mga bagong kaklase na galing sa iba’t-ibang seksyon at mababait pa. nagkaroon ng kasiyahan ang aming eskwelahan na tinatawag na “Shindig”. At napagalitan ako dito dahil nakita ako ng aking kapatid na nasa seven eleven kasama ang mga kaibigan ko. At sa pag-uwi dun ako nagalitan.
Nang nasa ikaapat na antas na ako, hindi ko na maiwasan ang maging malungkot dahil ito na ang huling taon ko ng pagiging hayskul, nilulubos na ang bawat araw na kasama ang mga kaklase. May paligsahan ngayon ang bawat seksyon, gaya ng group singing sa English, nakuha naming ang ikatlong pwesto. Ang pinakagusto ko ay ang cheerdance. Nagpakahirap para lamang mabuo ang isang sayaw. Nakuha naming ang unang pwesto at sobrang saya ng aming seksyon. Hindi rin mawawala dito ang
     Ako sa JS |Prom.

asaran ng bawat seksyon, tulad na lamang ng sa Science. Kahit sa mga sports kami rin ang nagwagi. Maliban sa basketball. At sa pangalawang beses kong pagdalo sa JS Prom, Hawaiian Theme naman ito, kaya naengganyo akong sumali. Masaya ang padiriwang na ito dahil marami akong nakilalang mga kaibigan. At nang mag-valentines, may nagbigay sa akin ng bulaklak, nagulat ako nung una, hindi ko sana iyon tatanggapin pero naisip ko sayang naman ang effort niya kaya tinanggap ko, at siya rin ang nagbigyay sa akin noon ng bag na paborito ko pang kulay at tsokolate. At ngayon sa nalalapit ko ng pagtatapos bawat araw ay akin nang nilulubos, at kahit hindi ko kasama ang aking pamilya ay siya pa rin ang magsisilbing inspirasyon ko patungo sa aking tagumpay.

Saturday, February 19, 2011

Ang kwento ni Eleng-eleng... (Ang talambuhay ni Elaine Recto Malaluan)

  Nagkatagpo ang landas nina Vivencio Alcantara Malaluan at ni Emiliana Rivera Recto sa isang karinderya kung saan isang serbrdora si Emily, tawag kanyang kaibigan kay Emiliana at isa namang kostomer doon si Ben. Doon na nagsimulang magkaibigan ang dalawa na nauwi sa panliligaw ni Ben, hanggang sa maging magkasintahan sila at magpasyang magpakasal. Naikasal ang dalawa noong ika-11 ng Setyembre taong 1994. Bilang regalo sa kanilang kasal,binigyan sila ng bahay ng tiyahin ni tatay, si lola Nati. Ito ay malapit sa lawa na Sampalok(Dagatan BLVD Brgy 4-C, San Pablo City). Doon na nila napagpasyahang manirahan.  
  Ako ay isa lamang sa mga bunga ng kanilang pagmamahalan bilang sina Mister at Misis Malaluan. Apat na kaming magkakapatid ngayon, ako ang panganay, 15 taong gulang. Si Vincel ang sumunod, 13 taong gulang na kasalukuyang nasa ika-unang taon sa hayskul, si Glaiza na 11 taong gulang, nasa ika-limang baitang sa elementarya ata ang bunsong si Brylle, 5 taong gulang.

5months ako dito
  Kadiliman na noon ng ika-15 ng Hulyo taong 1995 ng ako ay nailuwal ng aking ina. Iyon ay naganap sa ospital ng lungsod ng San Pablo.  Noong ako ay bata pa lamang ay mas maginhawa pa ang aming pamumuhay dail noon ay may regular pang trabaho si tatay. Siya ay tumutulong sa paggagawa ng isang gusali, bahay at kung ano pa man. Kada uuwi iyon ay mayroon iyong pasalubong sa aming kendi at tsokolate na mina-madyik pa niya. Kung saan-saan ito lumalabas, minsan ay mawawala at lalabas na lamang sa kanyang kili-kili at pandikain naman kami. Noon din ay malimit na nasa ospital sina inay dahil malimit na sumpungin si Vincel ng hika. Isang beses ay nakisabay pa ako ng mapaospital din dahil muntikan na akong magkaroon ng sakit sa dugo. Mabuti na lamang at maaga itong naagapan. Ang sinasabi ko lang daw noon habang ako'y kinukuhanan ng dugo ay, "tatay uwi na tayo, kawawa naman si nene." Ito ay kinuwento lamang sa akin ni tatay. Ng ako ay magaling na, madalas na ako'y nasa aking mga kamag-anakan. Madalas din na ako'y laruin ng aming mga kapit-bahay, Eleng-eleng pa noon ang tawag nila sa akin dahil sa hilig ko sa pag-iling-iling noon at malapit na katunog na rin ng aking pangalan.
Isang taong gulang taon ako dito
Mag-aapat na taong gulang ako na ako ay magsimulang mag-aral at matutong magsulat.Hindi ko tinapos ang pasukang iyon ngunit nagpatuloy pa rin ako sa unang taon sa elementarya ngunit bilang saling kitkit o biru-biruan lamang. Noon ay napakamaldita ko pa, tinatasan ko ng palda ang mga kaklase ko, kinukurot, sinisigawan kahit walang dahilan. Kaya naman ako ay isinumbong ng aking kaklase sa kanyang ina, takot na takot ako noon at umiiyak ng makita ako ng aking ina. sinabi ko sa kanya ang mga nangyari, ang sabi lamang niya ay, "wag ka ng umiyak nadito naman ako ah, may nanay ka din" doon ramdam na ramdam ko ang pagmamahal niya sa akin.
Si nanay,Vincel,tatay at Ako




Ako at si Vincel

  Nakapasa ako noon kaya ako'y nagpatuloy sa ikalawang baitang. Doon ko nakilala si Paul Kerby, ang kasabwat ko sa pangungulit at panloloko sa ilan naming kaklase. Nagpanggap kaming magpinsan, pati nanay niya ay kinasabwat namin. May napasali pa sa aming grupo noon, si Gian,wala talaga kaming ginawa kundi mang-away. Ng lumipas ang isa pang taon, nabuwag na ang aming grupo pero hindi pa rin ako nakaiwas sa gulo ng minsang habulin ko ang kaklase kong si Rico.Nadapa siya at natusok ng istik, medyo malala kasi kailangan pa itong tahiin. Ng ako ay nasa ika-apat na baitang na, doon ko nakilala si Elah Joy Medalla na naging matalik kong kaibigan. May pagkakataon pa nga na isinama ko siya sa aming bahay upang mag-aral o kaya'y maglaro. Tuwing walang pasok  dahil nga walang masyadong mapaglilibangan noon, ang hilig ko at ng aking mga kaibigang sina Mikee, Mariel, Erick at Arnold ay manguha ng alatiris. Kaya naman ng minsan ako ay umakyat sa puno nito, ayun nalaglag ako, swak sa kawayan, ang sakit! Kung hindi nangunguha ng alatiris, beng-sak, habulan, patintero at kung anu-ano pang larong lansangan ang sinasalihan ko. Kaya naman sermon ang abot ko sa aking ama kapag ako'y gabing-gabi na kung umuwi. Eh kasi naman ang sayang maglaro, yan na lang ang naisasagot ko, palo tuloy ang abot.

picture ko nung Grade 4
  Ng ako ay nasa ika-anim na baitang na, pinagbutihan ko na ang aking pag-aaral. Sa katunayan nga ay ako ay napasali sa may pinakamatataas na marka sa aming klase. Si Japeth  ang pinakamahigpit kong katunggali noon sa may pinakamataas na marka. Dahil nga sa kaming dalawa ang palaging ipinatatawag ng aming guro sa Matematika hindi ko naiwasang mapalapit ang loob ko sa kanya, na ikinatampo naman sa akin ni Elah dahil may paghanga rin siya dito. noon ay mas mataas ang marka ko kaysa kay Japeth, at ng huling pagsusulit na namin ay may sinabi siya sa akin na parang nagpapahiwatig na matatalo o matataasan niya ako. Nagbago ang pagtingin ko sa kanya noon. At ang kaibigan ko pa rin ang aking naging sandalan.
  Taong 2007 ng kami ay napilitang makitira sa aming mga lola dahil ang lupang pinagtitirikan ng aming bahay ayibinenta na. Ng taong ding ito ng ako ay makatapos sa elementarya. Nagtapos ako sa paaralang Sentral ng Lungsod ng San Pablo. Sabi nga nila ang magtatapos ay malapit sa disgrasya, kaya naman ng minsang hindi ako kumain dahil sa ako'y nagtitipid, gutom na gutom akong umuwi at agad-agad akong uminom ng malamig na tubig,ngayon ko lang nalaman na masama pala iyon kaya naman ako'y nahimatay,nahulog sa hagdan at naumpog sa semento. Hayun! tatlong tahi sa ulo ang inabot ko. Imbes na nakatipid, napagastos pa.
  May kaba sa aking dibdib ng pasukin ko ang paaralan ng CLLDDMNHS o kilala bilang Dizon. Si Jerlyn Fernandez ang una kong nakapalagayang loob doon. Hanggang sa mapasali ako sa KIKAYS, pero parang hindi bagay sa akin ang pangalan ng grupong ito dahil aminado ako na medyo magaspang pa rin akong magkikilos ng mga panahong iyon. Napasali ako sa JERSAJ, kasama sina J-elyn, ako E-laine, R-eychelle, S-harmaine, A-njanette at J-azzy. Dito na nagsimulang gumulo at sumaya ang buhay hayskul ko. Nagkakasundo-sundo kami dahil mayroon kaming pare-parehas na ugali tulad ng pagiging kalog, luka at makulit. May oras para sa taasan ng palda, pagtalon sa grandstand, pag-ikot sa lawa nang paulit-ulit, paglalaro ng sipa at kung anu-ano pang kabaliwan. Siyempre may mga tampuhan pero nauuwi pa rin sa kulitan. Kahit parang walang kwenta ang mga ito, ito pa rin ang hindi ko makakalimutan sa pagiging hayskul.
  Syempre may mga hinangaan din akong ng mga panahong iyon tulad nina ano, sina ano at kung sinu-sino pa. Kaya naman ng merong mga aktibidades tulad ng Science Camp lalung-lalo na ang JS ay hindi ko pinapalampas kasi baka yun na yung oras na mas makilala ko pa ang aking hinahangaan. At yun nga ang nangyari, walang nangyari.
  Ngayon nga ay malapit na kaming magtapos ng hayskul, sana'y simula iyon ng mas maganda pang pangyayari sa buhay ko.



Ako

Friday, February 18, 2011



Ang Talambuhay ni Alyssa R. Dioyo
“Ang batang may pangarap sa buhay”

Isang buwan pa lamang ako dito
Ako si Alyssa del Rio Dioyo. Ipinanganak ako noong Disyembre 16, 1993. Ang aking mga magulang ay sina Amador J. Dioyo at Melinda D. del Rio. Ako ay may dalawang kapatid sila ay sina Sheryl Grace Villapando ang panganay sa aming magkakapatid at si Mariel Dioyo naman ang pangalawa sa amin.Ako naman ang bunso.
Kami ay nakatira sa Brgy. San Benito Alaminos, Laguna. Masasabi kong payak ang aming pamumuhay. Ang trabaho nang aking ama ay isang jeepney driver. At ang aking ina noon ay isang may bahay lamang. Sa parte naman nang aking kabataan ay masasabi kong makulay at masaya. Marami akong mga kaibigan at nakakalaro noon. At kapag bakasyon naman, kaming magkakapatid ay sa Bulacnin, Lipa City, kung saan doon naninirahan ang aming lolo at lola. Sa buong buwan naman nang Abril, kami ay pumupunta sa Balete, Batangas sa bahay nang ina ng aking lola at kami ay naliligo sa tabing dagat at kung minsan ay namamangka. At sa buwan naman ng Mayo ang aking kapatid na panganay ay sumasali sa Santa Cruzan.
5 months and 10days ako
Napakasaya  talaga ng aking kabataan at sa kaibuturan ng aking puso ay palagi kong inaalala ang mga nakaraan. Lalo na at puno ng kaligayahan ang aking nadarama sa tuwing mamasdan ko ang napakaraming larawan at dahil doon ay naiisip ko na napakasarap, maligaya at masaya kaming pamilya.
Isang taon na ako dito
At  sa yugto naman ng aking pag-aaral ay masasabi kong naging maayos ang aking pag-aaral. Una akong pumasok sa Day Care Center na malapit lamang sa aming bahay. Ang naging guro ko ay si Gng. Gigi Escueta, aakalain ba ninyong siya rin ang naging guro ng aking mga kapatid? Nakatutuwang isipin diba? At sa pagpasok ko naman ng elementarya ay nag-aral ako sa mababang paaralan ng San Benito Elementary School at nakapagtapos ng may ikatlong karangalan. Subalit nung ako ay nasa ikalimang grado na ay may dumating na malaking sakuna sa aming buhay. Ang aking ina ay pumanaw sa sakit na leukemia at dahil doon ay nabenta ang aming bahay. Naging napakahirap at napakasakit sa aming lahat ang pangyayaring nawala ang aking ina. Ngunit sa tulong ng Diyos ay nagawa naming makabangon.

4 na taon na ako
Bukod doon ay tumutulong din ako sa pag-aalaga sa aking lola dahil sa matanda na ito ay kinakailangan ko syang pakainin, paliguan at damitan. Kung minsan ay ako na rin ang naglalagay ng diaper sa aking lola. Ang akin naming lolo ay huli na rin dahil sa katandaan na rin kaya kailangan na ding bantayan. Kaya kung minsan ay sumasagi sa aking isipan noong sila ay malalakas pa. Sila ang lahat ang gumagawa nang ginagawa ko ngayon noong ako’y paslit pa lamang. Nariyan yung aking mga kapilyahan na bigla ko na lamang tatawagin yung nagtitinda ng sorbetes at bibili ako at saka ko tatawagin ang aking lolo para magbayad ng binili ko. At kung minsan naman ay pinagtataguan ko sila at magpapahabol ako sa kanila. Siguro ay talagang ganito lamang ang buhay.
Ngayon ako ay nag-aaral sa Col. Lauro D. Dizon Memorial National High School at parang ganoon pa rin naman ang buhay. At ngayon nga ay nasa ikaapat na antas ako nang aking pag-aaral sa hayskul, ay isa na naming kabanata nang aking buhay. Hindi pa nga natatapos at nagbubukas na naman ang isang kabanata na higit na nangangailangan nang lakas nang loob at higit na tiwala sa sarili. Dahil sa yugtong ito, Ito ang magtuturo sa akin ng aking isang magandang kinabukasan  kung saan ko higit na kailangan ang pagmamahal at kalinga ng aking pamilya upang higit akong magtagumpay sa anumang pagsubok na kakaharapin ko sa buhay. At sa layunin kong makapagtapos nang pag-aaral sa kolehiyo at upang higit sa lahat ay matulungan ko ang aking pamilya hindi lamang sa pinansyal na pamamaraan ngunit higit sa lahat ay upang kami ay makasabay sa agos nang pag-unlad nang bawat isa, sa lahat nang Pilipino sa bansang Pilipinas.
Sa kasalukuyan, ay iniisip ko na magtrabaho muna habang ako ay nag-aaral nang kolehiyo at kumuha muna nang dalawang taong kurso at mag-aral muli kapag nakaluwag na sa pera. Iniisip ko rin ang kapakanan nang aking ama dahil may sakit ito at ayoko nang umasa pa sa pagbibigay nang baon sa akin. Dahil nasa tamang gulang na ako, alam ko na ang tama at mali. Sa buhay ngayon ay kailangan ko nang maging praktikal. Ayoko nang makadagdag sa problema nang aking pamilya bagkos ay nais kong makatulong.
Ngayong malaki na ako
Kahit na maraming pagsubok, hindi makakahadlang sa akin ang makapagtapos nang pag-aaral. Sa taong lumilipas, mga pagsubok na dumadating at mga suliranin sa buhay, huwag kayong sumuko. Marahil kung ako ay nagpatalo sa mga pagsubok na ito, hindi ako makakapagtapos nang elementary at hayskul. Magiging gabay ko ito  upang lalo akong tumibay. Iniisip kong hindi lamang ako ang nakakaranas, nasasaktan at nahihirapan sa buhay. Masarap ang mabuhay nang propesyonal at walang iniintindi sa buhay, kung mayroon man ay hindi ganoon kalubha.
Isang Alyssa Dioyo na naman ang magpapatunay na kayang makamit ang kagustuhan at mithiin sa buhay bunga nang sariling pagsisikap na matuto at pagiging masipag at isang ulirang anak. Isang Alyssa na balang araw ay ipagmamalaki nang kanyang pamilya. Nais kong maging isang idolo nang mas nakakabata sa akin. Tularan ang aking magagandang ala-ala at baunin ang mga payo nang kanilang mga magulang.
Isang makulay na buhay ang naihayag ko sa inyo, Nawa ay maging matagumpay ako sa aking mga pangarap na inaalay ko sa aking pamilya at lalong higit sa. . .aking INA.

Thursday, February 17, 2011

Ang Talambuhay ni Jansen Ian C. Sanchez: Batang Takot sa Buhok

Grade Six
Ako ay si Jansen Ian Carreon Sanchez. Pinanganak ako noong ika-16 ng Oktubre, taong 1994. Bininyagan naman ako nang pasko noong taon ding iyon. Ako ay bunso sa tatlong magkakapatid at nag-iisang lalaki. Parehong babae ang mga nakatatanda kong kapatid. Ang pangalan ng aking ama ay Alfredo Saturno Sanchez at ang aking ina namn ay si Maria Josefina Carreon Sanchez.
Ako ay pinanganak sa bahay naming sa bayan ng Calauan at hindi sa ospital. Ang kwento sa akin ng aking mga ate ko ay pinanganak ako na kulay ube. Hindi ako naniniwala sa kanila nung una dahil sinabi ko sa srili ko na parang malabong mangyari iyon. Naniwala lang ako nang maayos na sinabi ng aking ina na totoo iyon. Ngayon ay ginagawan ko na lang ng biro ito at sinasabing “ siguro ay hindi ako nakahinga ng ayos sa loob ng sinapupunan ng aking ina kaya ako ay nag kulay ube”.
Ang pangalan nang panganay kong kapatid ay Michelle C. Sanchez. Hindi na sya nag tapos ng kolehiyo dahil siya ay nagkasakit. Nang siya naman ay gumaling ay nagtrabaho na lamang siya at di nagtagal ay nag kaasawa na sya at nagkaroon g dalawang anak.
Ang pangalawa ko naming kapatid ay si Laramie C. Sanchez. Siya ay nagtapos ng kursong Physical Therapy sa University of Perpetual Help. Ngayon, siya ay sa Makati nag tatrabaho at nakatutulong sa aming pamilya.
Malalayo ang agwat ng edad naming magkakapatid. Ito ay sa kadahilanang ang aking ina ay namamayat nang husto kapag siya ay nagbubuntis. Ang agwat ng panganay sa pangalawa kong kapatid ay siyam na taon. Ang agwat naman ng pangalawa kong kapatid sa akin ay labing-isang taon.
3 months ako
Noong bata pa ako ay madalas na nahihirapan ang aking magulang sa pagpapaligo sa aki dahil sa natatakot ako sa buhok na naiiwan sa daanan ng tubig sa banyo. Umiiyak ako at hindi pumapasok sa banyo hanggang may buhok na nakabara sa daanan ng tubig nito. Tapos ay madalas pa akong takutin ng ate Lara ko na kakainin daw ako ng mga buhok at syempre natakot naman ako dahil ako ay bata.
Maraming beses ko ng naranasan ang lumipat ng bahay. Siguro ay apat n beses ko nang naranasan  ang lumipat ng bahay simula ng ako ay ipinanganak. Hindi pa kasama rito ang paglipat-lipat  nila noong ang mga ate ko pa lamang  ang kanilang anak.
Ang unang paglipat naming ay noong apat na taong gulang ako. Lumipat kami sa isang simpleng paupahan sa Cabuyao dahil sa di pagkakasundo ng aking ina at tita. Doon kami nanirahan hanggang sa ako ay makatapos ng elemetarya.
Me and my Ate Michelle
Lumipat naman kami ulit dahil sa naramdaman ng aking ama a hindi na maganda ang tumira doon dahil sa kapi bahay namin na Dean ng Nursing sa Pamantasan ng Cabuyao. Di naglaon ay tama nga ang aking ama at na  Imbestigador ang nasabing dean na iyon. Buti na lamang ay ay wala na kami roon at hindi na nagambala. Ngayo ay sa isang paupahan sa Lamot II na kami nakatira.
Marami rin ang masasayang bagay na nangyari sa aking buhay. Kasama na rito ag mga panahong nakikipag laro pa ako sa kalsada kasama ang mga kalaro ko noog bata pa ako. Hinding-hindi ko malilimutan ang panahon na pinag-aaralan ko ag trumpo. Ako ay masyadong abnong-abno nang una ko itog mapaikot nang tama. Hanggang sa nauso  na ang Bey Blade at wala ng bata ang naglalaro ng trumpo. Marahil ay ayaw nila sa lumang laruan.
Para sa akin, Grade 6 ang pinaka masayang taon ko sa elementarya. Lagi kaming naglalaro ng sipa tuwing recess, lunch, at maging pati sa uwian. Naaalala ko pa na “Popeye” ang tawag naming doon sa nangungumpiska lagi ng sipa naming. Ito ang tawag naming sa kanya dahil sa kanyang baba na nahahati sa dalawa. Naaalala ko pa na lagi kaming “mentioned” sa microphone dahil sa pagsisipa. Madalas kasi ay nagkakatuwaan at ang isa kong kaklase ay laging pinatatalsik sa ere ang kanyang sapatos sa pagsipa.
Ang isa pang hindi ko malilimutan noong ako ay Grade 6 ay nung kami ay nagpunta sa SM pagkatapos ng aming Christmas Party. Nung nasa SM na kami ay lagging nauupo kami sa escalator tuwing gagamit kami . Nang kami ay magsi-upo na, tuwang-tuwa lang kami pero dahil malapit na ang babaan, syempre kami ay nagsi-tayo na. Sa kinasamaang palad, ang kaklase kong si Neil ay hindi agad nakatayo dahil naipit ang shorts niya sa escalator. Tawang-tawa kami dahil para siyang dumulas na hindi maintindihan ang pwesto.
Haay!! Ang saya talaga ng Grade six. Ang bagay na medyo nalungkot lamang ako ay wala  kaming class picture ng Grade 6 dahil saw ala kaming adviser noong panahon na kukuan kami ng litrato. Naghahanap pa kasi ng pamalit dun sa dati naming adviser.
Video-Oke moves
High School na ang sunod. Naaalala ko pa nung una na medyo malungkot dahil magkakahiwalay na ang dating magkakatropa. Lumipat na kasi yung iba ng paaralan. Ang masayang naaalala ko nung unang taon ko sa high school ay nung Acquaintance Party namin. Isa iyong selebrasyon na nag wewelcome sa mga “freshmen” sa school. Mayroon doong dance contest at singing contest. Natural ay hindi ako sumali sa dance contest dahil alam ko sa sarisli ko na wala akong talento sa bagay na iyon. Pinilit lang ako ng aking mga kaklase na sumali sa singing contest dahil sabi nila ay  maganda daw, “DAW” ang boses ko. At dahil doon ay napilit din nila ako. Balak ko na sanang hindi lumahok dahil hindi man lamang ako naghanda ng kakantahin. Wala akong dalang CDna pwede kong kantahin kaya kinabahan ako doon. Ang sabi sakin ng admin doo ay mag-acapela na lang daw ako. Dahil doon napilita pa rin  akong sumali.
Ako ay pangatlo sa kakanta(buti na lang). Hindi ko maisip kung anu ang aking kakantahin hanggang sa tinanung ko kung pwede kong kantahin ang DJ Bumbay. Pwede naman daw sabi ni ma’am JLa. Kaya ayun, kiananta koang kantang nagpatawa, sigaw, at palakpak sa mga manonood. At sa hindi inaasahang pangyayari ay nanalo pa ako. Talagang hindi ko inaasahan iyon dahil alam kong hindi naman talaga panglaban ang kinanta ko kung ikukumpara sa mga kinanta ng nga kalaban ko. Apat nga pla kaming naglaban-laban at mula sa 2nd, 3rd , at 4th ang iba kong kalaban.



grade 5- Class Picture

Ang iba pang mga bagay ay mangyayari pa lamang. Sana ay maging masaya ang mga susunod na kabanata ng aking buhay.